Monday, September 21, 2015

Gaano Kadali Magnegosyo Dito sa Morong?

File Photo Downtown Morong   Photo Credit:  google

Alam ba ninyo na mabilis na ang proseso ng pagkuha ng business permit dito sa Morong.  Napatunayan ko ito nang magparehistro ako ng negosyo kamakailan. 

Kumpara sa mga naging karanasan ko sa pag-aaplay ng business permit noon, (dati akong business consultant ng mga nagsisimula ng negosyo), medyo napabilib ako ng mga taga munisipiyo nang ako ay magtungo roon para magparehistro. 

Iba-iba ang mga naging karanasan ko noon sa ibang mga LGU.  May mabilis mag-proseso ng mga permit at mayroon ding mabagal. May inaabot ng linggo at ang iba ay mahigit isang buwan pa.

Hindi ko inaasahan na magiging mabilis ang serbisyo dito sa Morong.  Wala pa sigurong 30 minuto sa tantiya ko (sayang hindi ko naorasan), nabigyan agad ako ng Mayor’s Permit kasama na roon ang mga Health at Fire permit.

Mukhang naniniwala ang administrasyon ni Mayor Mando San Juan sa kahalagahan ng mga negosyo sa ekonomiya ng isang papaunlad na bayan tulad ng Morong.

Senyales na kaya ito na ang Morong ay business-friendly na rin?  Handa na ba itong sumabay sa ibang mga business-friendly LGU sa bansa?

Malalaman natin iyan kapag naging matagumpay na naipatupad dito sa atin sa Morong ang Republic Act 10644 o ang Go Negosyo Act.

Ano ba ang batas na ito?  Paano ba makikinabang ang bayan ng Morong sa pagpapatupad nito?
Sa website ng DTI, ito ang aking napag-alaman.

Ang Republic Act 10644 o ang Go Negosyo Act, ay naglalayon na palakasin ang mga pinakamaliit, maliit at katamtamang-laking mga negosyo o MSMEs upang makapagbigay ng maraming kabuhayan at trabaho sa tao.  Ito ay nilagdaaan bilang batas ni Pangulong Benigno S. Aquino III noong ika-15 ng Hulyo 2014 at nagkabisa noong ika-13 ng Enero, 2015.

Ang layon ng mga sumulat ng batas na ito ay upang isulong ang kaunlaran ng mas nakararami at hindi ng iilan lamang, gayundin upang maibsan ang kahirapan sa pamamagitan ng pagatatayo ng mga MSMEs.  

Halos 99.1% ng mga employer sa bansa ay MSMEs at .99% lamang dito ang malalaki.  Sixty one percent (61%) ng mga empleyado at manggagawa sa buong bansa ay sa mga MSMEs namamasukan. 

Itinatampok sa batas ang padaliin para sa mga negosyante ang pagtatayo ng negosyo sa tulong ng mga “Negosyo Centers” na kasalukuyang itinatayo at itatayo pa sa may mahigit na 1,500 lungsod at bayan sa buong bansa kasama na ang Morong.

Bibigyan diin ng batas na ito ang paglilipat sa mga negosyante ng teknolohiya, pagsasanay sa produksiyon at pamamahala gayundin ang matulungan silang madala sa mga pamilihan ang kanilang mga produkto.

At siguradong magugustuhan ng maraming negosyante ang isa pang aspeto ng batas na ito: ang pagkakaroon ng tinatawag na Start-up Fund o panimulang puhunan para sa mga MSMEs.  Ito ay ipagkakaloob sa mga negosyanteng nasa priority sectors ng ekonomiya o iyong mga pangunahing sektor na isinusulong ng pamahalaan.

Ang tanong ay ito: kapag may Negosyo Center na rito,  dadami na kaya ang mga magtatayo ng negosyo para mas umigi pa ang buhay ng mga tagarito, laluna ng mga nasa iba't ibang barangay ng Morong?

Sundan ang susunod na kabanata. 

Ang mahalaga para sa akin ngayon ay ang naging magandang karanasan ko sa pagpaparehistro sa tanggapan ni Mayor Mando San Juan.    

Samantala, kung nais mo ng kumpletong kaalaman tungkol sa programang Negosyo Centers, may online brochure na ipinamamahagi ang Department of Trade and Industry. Para sa libreng kopya, I-click mo ito ngayon.  

No comments:

Post a Comment