Friday, September 11, 2015

Epekto sa Morong ng Tumagas na Langis Mula sa Island Cement

bahagi ng Ilog Morong kung saan dumaloy ang tumagas na langis mula sa planta ng semento ng Cemex.  Photo by Rappler.



May 2,000 litro ng langis ang tumagas mula sa imbakan ng bunker fuel sa planta ng Solid Cement Corp. (Cemex) noong Lunes ng gabi, ika-7 ng Setyembre, 2015.  Ayon sa ulat, tumapon at umagos ang langis sa Ilog na bumabagtas sa mga bayan ng Teresa at Morong  hanggang sa ito ay makarating sa Lawa ng Laguna.

Ayon sa report ni Jessica Soho sa kanyang programang “State of the Nation with Jessica Soho” noong Miyerkules, maaring hindi maging maganda ang ibubunga nito sa kabuhayan ng mga mangingisda at magsasaka na nakatira malapit sa ilog.   

Inako naman ng CEMEX ang pananagutan sa pagtagas at nangakong gagawin nito ang makakaya para linisin ang tumapong langis sa ilog.  Noong Miyerkules, may mga volunteers mula sa CEMEX at mga naapektuhang barangay ang tumulong sa paglilinis ng ilog na umabot hanggang sa bayan ng Teresa.

 “101 percent ang commitment ng kompanya dito sa naging insidente natin sa lalawigan ng Rizal,” sabi ng corporate communications head ng Cemex na si Chito Maniago.

Ayon sa Detachment Commander ng Coast Guard na nakatalaga sa Laguna de Bay na si LTSG. Elizer Ibarrientos, nag-inspeksiyon  ang kanilang grupo sa may bungad ng ilog sa lawa ngunit wala naman silang mga nakitang palatandaaan na nakaabot na sa lugar ang tumagas na langis.

Sabi ni Vener de Jesus, isa sa may 125 mangingisda na sa ilog umaasa para sa kanilang ikabubuhay, wala na siyang mahuling isda mula nang maganap ang insidente.
May 25 ektarya rin ng sakahan ang hindi mapatubigan ngayon dahil sa pagtagas.

Sabi naman ni Jerome Mateo ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office ng Morong na kailangang mabayaran ang mga magsasaka at mangingisda sa nawalang kita nila.

Kung magkano ang magiging kabayaran ay hindi pa malaman.  Nakatuon ang pansin ng Pamahalaang Panlalawigan ng Rizal sa paglilinis at hindi pa matiyak kung magkano ang halaga ng nawalang kita.

“Kung ito man ay sanhi ng insidenteng nangyari, tutulong tayo sa abot ng ating makakaya,” tugon ni Maniago ng CEMEX . “Alam naman natin na ito ang livelihood ng ating mga community members.” — Pinagmulan ng ulat: GMA News .

No comments:

Post a Comment