Monday, September 28, 2015

Astig Ang Barangay na Ito

Si Barangay Chairman Melecio Garcia (pangalawa mula sa kaliwa) ng Barangay Graceville sa San Jose Del Monte City sa Bulacan kasama ang iba pang mga ginawaran ng Galing Pook Award para sa taong 2015 noong ika-1 ng Setyembre sa SMX Convention Center ng SM Mall of Asia.  Photo Credit: GMA News Online.



Binigyang parangal ng Galing Pook Foundation ang sampung LGU sa bansa sa kanilang natatanging programa sa pamamahala sa kagaganap na Galing Pook Awards noong ika-1 ng Setyembre, 2015 sa SMX Convention Center sa Mall of Asia.

Ang taunang pambansang patimpalak para sa mga bukod-tangi at makabagong programa sa pamamahala ay nagsusulong ng mga positibong resulta at epekto gayundin ng pagbibigay kapangyarihan sa mga mamamayan na makilahok sa pamamahala.

Sabi ni Dr. Eddie Dorotan, Executive Director ng Galing Pook Foundation, “kinikilala namin ang mga natatanging lokal na pamahalaan at mamamayan na nagpamalas ng mga programa sa pagbagago, maayos na paghahatid ng serbisyo-publiko, respeto sa kanilang mga mamamayang nasasakupan at integridad sa gawa at hindi sa salita lamang.“

Isa sa dalawang nabigyan ng parangal sa Barangay Category ay ang Barangay Graceville sa San Jose Del Monte City sa pamumuno ni Barangay Chairman Melecio Garcia.  Ang programa nitong LETS GO na isang Modelo sa Mahusay na Pamamahala ay may anim na puntong programa sa kabuhayan, edukasyon, pagsasanay, serbisyo, mahusay na pamamahala at pagkakaloob ng mga oportunidad sa mga residente ng komunidad.  

Dahil sa programa ng pamahalaang barangay, kapuna-puna ang pagkakaroon ng pagtaas ng bolunterismo at pakikilahok sa mga gawain sa barangay ng mga residente mula nang ito ay naisakatuparan.


Tunghayan ninyo ang videong ito para mas makilala pa ninyo ang barangay na ito at ang mga nagawa ng kasalukuyang pamunuan nito.  Matapos ninyo itong mapanood, kayo na ang makapagsasabi kung bakit ito ang  pinakamahusay sa may 42,028 na barangay sa buong bansa.

Welcome po ang inyong mga comments laluna kung may mapupulot tayong mga aral para sa ikabubuti ng pamamahala ng walong barangay natin dito sa Morong.

I-post lamang ang inyong comment sa ibaba.  




No comments:

Post a Comment