Sunday, October 4, 2015

Ilog Morong, Patay Na Ilog Na Nga Ba?




Isang bahagi ng Ilog Morong sa may Sitio Tanawan at Tabing-Ilog sa Barangay San Guillermo.  Photo by JIM
Ang Ilog Morong ay makahulugan sa bawat mamamayan ng Morong. Sa maraming tagarito, ito ay nagdulot ng magagandang alaala ng mga lumipas na panahon. Sa iba naman, ito ay isang mahalagang pinagkukunan ng mga pang araw-araw na pangangailangan tulad ng pagkain sa hapag-kainan at patubig sa mga sakahan.
Anuman ang pananaw natin  tungkol sa Ilog Morong, hindi na mapapasubalian ang lumalalang kalagayan nito sa kasalukuyan.         

Noong 2011, nagsagawa ng pag-aaral ang Laguna Lake Development Authority o LLDA tungkol sa kalagayan nito upang alamin kung ito ay malinis pa. Sa pagsusuri ng mga sample ng tubig na kinuha mula sa iba’t ibang bahagi nito, napatunayan ng mga ekspertong nag-aral na ang ilog ay tila naghihingalo na. Ang sanhi ng unti-unting pagkamatay nito ayon sa kanila ay ang mga duming galing sa mga babuyan at manukan gayundin sa mga kabahayang malapit sa dinaraanan ng ilog.   

May pag-asa pa bang mailigtas ang Ilog Morong mula sa tiyak na kamatayan?  

Ang kanilang mungkahi ay magtulungan ang kanilang ahensiya at ang bayan ng Morong at Teresa na malutas ang problema.       

Ayon pa sa kanila, dapat din na patuloy na masubaybayan ang kalagayan nito mula nang isinagawa ang pag-aaral may apat na taon na ang nakalilipas.  

Higit sa lahat,  walang mangyayari sa anumang gagawin ng mga kinauukulan hangga’t may mga mga iligal na mga naninirahan sa tabi ng ilog, ayon pa sa mga taga-LLDA.                                

Pinagmulan ng Ulat:  Water Quality Assessment,  Morong-Teresa River,  Resource Management and Development Department, LLDA.




Monday, September 28, 2015

Astig Ang Barangay na Ito

Si Barangay Chairman Melecio Garcia (pangalawa mula sa kaliwa) ng Barangay Graceville sa San Jose Del Monte City sa Bulacan kasama ang iba pang mga ginawaran ng Galing Pook Award para sa taong 2015 noong ika-1 ng Setyembre sa SMX Convention Center ng SM Mall of Asia.  Photo Credit: GMA News Online.



Binigyang parangal ng Galing Pook Foundation ang sampung LGU sa bansa sa kanilang natatanging programa sa pamamahala sa kagaganap na Galing Pook Awards noong ika-1 ng Setyembre, 2015 sa SMX Convention Center sa Mall of Asia.

Ang taunang pambansang patimpalak para sa mga bukod-tangi at makabagong programa sa pamamahala ay nagsusulong ng mga positibong resulta at epekto gayundin ng pagbibigay kapangyarihan sa mga mamamayan na makilahok sa pamamahala.

Sabi ni Dr. Eddie Dorotan, Executive Director ng Galing Pook Foundation, “kinikilala namin ang mga natatanging lokal na pamahalaan at mamamayan na nagpamalas ng mga programa sa pagbagago, maayos na paghahatid ng serbisyo-publiko, respeto sa kanilang mga mamamayang nasasakupan at integridad sa gawa at hindi sa salita lamang.“

Isa sa dalawang nabigyan ng parangal sa Barangay Category ay ang Barangay Graceville sa San Jose Del Monte City sa pamumuno ni Barangay Chairman Melecio Garcia.  Ang programa nitong LETS GO na isang Modelo sa Mahusay na Pamamahala ay may anim na puntong programa sa kabuhayan, edukasyon, pagsasanay, serbisyo, mahusay na pamamahala at pagkakaloob ng mga oportunidad sa mga residente ng komunidad.  

Dahil sa programa ng pamahalaang barangay, kapuna-puna ang pagkakaroon ng pagtaas ng bolunterismo at pakikilahok sa mga gawain sa barangay ng mga residente mula nang ito ay naisakatuparan.


Tunghayan ninyo ang videong ito para mas makilala pa ninyo ang barangay na ito at ang mga nagawa ng kasalukuyang pamunuan nito.  Matapos ninyo itong mapanood, kayo na ang makapagsasabi kung bakit ito ang  pinakamahusay sa may 42,028 na barangay sa buong bansa.

Welcome po ang inyong mga comments laluna kung may mapupulot tayong mga aral para sa ikabubuti ng pamamahala ng walong barangay natin dito sa Morong.

I-post lamang ang inyong comment sa ibaba.  




Monday, September 21, 2015

Gaano Kadali Magnegosyo Dito sa Morong?

File Photo Downtown Morong   Photo Credit:  google

Alam ba ninyo na mabilis na ang proseso ng pagkuha ng business permit dito sa Morong.  Napatunayan ko ito nang magparehistro ako ng negosyo kamakailan. 

Kumpara sa mga naging karanasan ko sa pag-aaplay ng business permit noon, (dati akong business consultant ng mga nagsisimula ng negosyo), medyo napabilib ako ng mga taga munisipiyo nang ako ay magtungo roon para magparehistro. 

Iba-iba ang mga naging karanasan ko noon sa ibang mga LGU.  May mabilis mag-proseso ng mga permit at mayroon ding mabagal. May inaabot ng linggo at ang iba ay mahigit isang buwan pa.

Hindi ko inaasahan na magiging mabilis ang serbisyo dito sa Morong.  Wala pa sigurong 30 minuto sa tantiya ko (sayang hindi ko naorasan), nabigyan agad ako ng Mayor’s Permit kasama na roon ang mga Health at Fire permit.

Mukhang naniniwala ang administrasyon ni Mayor Mando San Juan sa kahalagahan ng mga negosyo sa ekonomiya ng isang papaunlad na bayan tulad ng Morong.

Senyales na kaya ito na ang Morong ay business-friendly na rin?  Handa na ba itong sumabay sa ibang mga business-friendly LGU sa bansa?

Malalaman natin iyan kapag naging matagumpay na naipatupad dito sa atin sa Morong ang Republic Act 10644 o ang Go Negosyo Act.

Ano ba ang batas na ito?  Paano ba makikinabang ang bayan ng Morong sa pagpapatupad nito?
Sa website ng DTI, ito ang aking napag-alaman.

Ang Republic Act 10644 o ang Go Negosyo Act, ay naglalayon na palakasin ang mga pinakamaliit, maliit at katamtamang-laking mga negosyo o MSMEs upang makapagbigay ng maraming kabuhayan at trabaho sa tao.  Ito ay nilagdaaan bilang batas ni Pangulong Benigno S. Aquino III noong ika-15 ng Hulyo 2014 at nagkabisa noong ika-13 ng Enero, 2015.

Ang layon ng mga sumulat ng batas na ito ay upang isulong ang kaunlaran ng mas nakararami at hindi ng iilan lamang, gayundin upang maibsan ang kahirapan sa pamamagitan ng pagatatayo ng mga MSMEs.  

Halos 99.1% ng mga employer sa bansa ay MSMEs at .99% lamang dito ang malalaki.  Sixty one percent (61%) ng mga empleyado at manggagawa sa buong bansa ay sa mga MSMEs namamasukan. 

Itinatampok sa batas ang padaliin para sa mga negosyante ang pagtatayo ng negosyo sa tulong ng mga “Negosyo Centers” na kasalukuyang itinatayo at itatayo pa sa may mahigit na 1,500 lungsod at bayan sa buong bansa kasama na ang Morong.

Bibigyan diin ng batas na ito ang paglilipat sa mga negosyante ng teknolohiya, pagsasanay sa produksiyon at pamamahala gayundin ang matulungan silang madala sa mga pamilihan ang kanilang mga produkto.

At siguradong magugustuhan ng maraming negosyante ang isa pang aspeto ng batas na ito: ang pagkakaroon ng tinatawag na Start-up Fund o panimulang puhunan para sa mga MSMEs.  Ito ay ipagkakaloob sa mga negosyanteng nasa priority sectors ng ekonomiya o iyong mga pangunahing sektor na isinusulong ng pamahalaan.

Ang tanong ay ito: kapag may Negosyo Center na rito,  dadami na kaya ang mga magtatayo ng negosyo para mas umigi pa ang buhay ng mga tagarito, laluna ng mga nasa iba't ibang barangay ng Morong?

Sundan ang susunod na kabanata. 

Ang mahalaga para sa akin ngayon ay ang naging magandang karanasan ko sa pagpaparehistro sa tanggapan ni Mayor Mando San Juan.    

Samantala, kung nais mo ng kumpletong kaalaman tungkol sa programang Negosyo Centers, may online brochure na ipinamamahagi ang Department of Trade and Industry. Para sa libreng kopya, I-click mo ito ngayon.  

Friday, September 11, 2015

Epekto sa Morong ng Tumagas na Langis Mula sa Island Cement

bahagi ng Ilog Morong kung saan dumaloy ang tumagas na langis mula sa planta ng semento ng Cemex.  Photo by Rappler.



May 2,000 litro ng langis ang tumagas mula sa imbakan ng bunker fuel sa planta ng Solid Cement Corp. (Cemex) noong Lunes ng gabi, ika-7 ng Setyembre, 2015.  Ayon sa ulat, tumapon at umagos ang langis sa Ilog na bumabagtas sa mga bayan ng Teresa at Morong  hanggang sa ito ay makarating sa Lawa ng Laguna.

Ayon sa report ni Jessica Soho sa kanyang programang “State of the Nation with Jessica Soho” noong Miyerkules, maaring hindi maging maganda ang ibubunga nito sa kabuhayan ng mga mangingisda at magsasaka na nakatira malapit sa ilog.   

Inako naman ng CEMEX ang pananagutan sa pagtagas at nangakong gagawin nito ang makakaya para linisin ang tumapong langis sa ilog.  Noong Miyerkules, may mga volunteers mula sa CEMEX at mga naapektuhang barangay ang tumulong sa paglilinis ng ilog na umabot hanggang sa bayan ng Teresa.

 “101 percent ang commitment ng kompanya dito sa naging insidente natin sa lalawigan ng Rizal,” sabi ng corporate communications head ng Cemex na si Chito Maniago.

Ayon sa Detachment Commander ng Coast Guard na nakatalaga sa Laguna de Bay na si LTSG. Elizer Ibarrientos, nag-inspeksiyon  ang kanilang grupo sa may bungad ng ilog sa lawa ngunit wala naman silang mga nakitang palatandaaan na nakaabot na sa lugar ang tumagas na langis.

Sabi ni Vener de Jesus, isa sa may 125 mangingisda na sa ilog umaasa para sa kanilang ikabubuhay, wala na siyang mahuling isda mula nang maganap ang insidente.
May 25 ektarya rin ng sakahan ang hindi mapatubigan ngayon dahil sa pagtagas.

Sabi naman ni Jerome Mateo ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office ng Morong na kailangang mabayaran ang mga magsasaka at mangingisda sa nawalang kita nila.

Kung magkano ang magiging kabayaran ay hindi pa malaman.  Nakatuon ang pansin ng Pamahalaang Panlalawigan ng Rizal sa paglilinis at hindi pa matiyak kung magkano ang halaga ng nawalang kita.

“Kung ito man ay sanhi ng insidenteng nangyari, tutulong tayo sa abot ng ating makakaya,” tugon ni Maniago ng CEMEX . “Alam naman natin na ito ang livelihood ng ating mga community members.” — Pinagmulan ng ulat: GMA News .